Jeremiah Chapter 24
1Ang Panginoon ay nagpakita sa akin, at, narito, dalawang bakol na igos ay nakalagay sa harap ng templo ng Panginoon, pagkatapos na madalang bihag ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia si Jechonias na anak ni Joacim, hari sa Juda, at ang mga prinsipe sa Juda, na kasama ng mga manggagawa at ng mga mangbabakal, mula sa Jerusalem, at mangadala sila sa Babilonia.
2Ang isang bakol ay may totoong mga mabuting igos, na parang mga igos na mga unang hinog; at ang isang bakol ay may totoong masamang mga igos, na hindi makain, nangapakasama.
3Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Anong iyong nakikita, Jeremias? At aking sinabi, Mga igos; ang mga mabuting igos, totoong mabuti; at ang masasama, totoong masama na hindi makakain, dahil sa nangapakasama.
4At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi,
5Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Kung paano ang mga mabuting igos na ito, gayon ko kikilalanin ang mga bihag ng Juda, na aking pinayaon mula sa dakong ito na patungo sa lupain ng mga Caldeo, sa ikabubuti.
6Sapagka't aking itititig ang aking mga mata sa kanila sa ikabubuti, at aking dadalhin sila uli sa lupaing ito: at aking itatayo sila, at hindi ko itutulak sila; at aking itatatag sila, at hindi ko paaalisin.
7At aking bibigyan sila ng puso upang makilala ako, na ako ang Panginoon: at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios; sapagka't sila'y manunumbalik sa akin ng kanilang buong puso.
8At kung paanong ang masasamang igos, na hindi makakain, dahil sa nangapakasama, tunay na ganito ang sabi ng Panginoon, Sa gayo'y pababayaan ko si Sedechias na hari sa Juda, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang nalabi sa Jerusalem, na naiwan sa lupaing ito, at ang nagsisitahan sa lupain ng Egipto.
9Akin silang pababayaan upang mapahapay na paroo't parito sa gitna ng lahat na kaharian sa lupa sa ikasasama; upang maging kakutyaan at kawikaan, kabiruan at sumpa, sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila.
10At aking pararatingin ang tabak, ang kagutom, at ang salot, sa gitna nila, hanggang sa sila'y mangalipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga magulang.