Numbers Chapter 27
1Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga anak na babae ni Salphaad, na anak ni Hepher, na anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose; at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, at Hogla, at Milca, at Tirsa.
2At sila'y nagsitayo sa harap ni Moises, at sa harap ni Eleazar na saserdote, at sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi,
3Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng nagpipisang magkakasama laban sa Panginoon, sa pulutong ni Core: kundi siya'y namatay sa kaniyang sariling kasalanan; at hindi nagkaanak ng lalake.
4Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, sapagka't siya'y hindi nagkaanak ng lalake? Bigyan ninyo kami ng pag-aari sa gitna ng mga kapatid ng aming ama.
5At dinala ni Moises ang kanilang usap sa harap ng Panginoon.
6At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
7Ang mga anak na babae ni Salphaad ay nagsasalita ng matuwid: bibigyan mo nga sila ng isang pag-aari na pinakamana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.
8At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Kung ang isang lalake ay mamatay, at walang anak na lalake, ay inyo ngang isasalin ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae.
9At kung siya'y walang anak na babae, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang mga kapatid.
10At kung siya'y walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa mga kapatid ng kaniyang ama.
11At kung ang kaniyang ama ay walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya sa kaniyang angkan, at kaniyang aariin: at sa mga anak ni Israel ay magiging isang palatuntunan ng kahatulan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
12At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sumampa ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.
13At pagkakita mo niyaon ay malalakip ka rin naman sa iyong bayan, na gaya ng pagkalakip ni Aaron na iyong kapatid:
14Sapagka't kayo'y nanghimagsik laban sa aking salita sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapisanan, na ipakilala ninyong banal ako sa harap ng mga mata nila sa tubig. (Ito ang tubig ng Meriba sa Cades sa ilang ng Zin.)
15At sinalita ni Moises sa Panginoon, na sinasabi,
16Maghalal ang Panginoon, ang Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, ng isang lalake sa kapisanan,
17Na makalalabas sa harap nila, at makapapasok sa harap nila, at makapaglalabas sa kanila, at makapagpapasok sa kanila; upang ang kapisanan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastor.
18At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalake na kinakasihan ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya;
19At iharap mo siya kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan; at pagbilinan mo siya sa kanilang paningin.
20At lalagyan mo siya ng iyong karangalan upang sundin siya ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel.
21At siya'y tatayo sa harap ni Eleazar na saserdote, na siyang maguusisa tungkol sa kaniya, ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon: sa kaniyang salita, ay lalabas sila, at sa kaniyang salita, ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan.
22At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya: at kaniyang ipinagsama si Josue, at kaniyang iniharap kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan:
23At kaniyang ipinatong ang mga kamay niya sa kaniya, at pinagbilinan niya siya, gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.