2 Chronicles Chapter 7
1Nang makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
2At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
3At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
4Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.
5At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.
6At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.
7Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.
8Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto.
9At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.
10At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.
11Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.
12At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.
13Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
15Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.
16Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
17At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;
18Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.
19Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
20Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.
21At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
22At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.