2 Chronicles Chapter 23
1At sa ikapitong taon ay lumakas si Joiada, at nakipagtipan siya sa mga pinunong kawal ng dadaanin, kay Azarias na anak ni Joram, at kay Ismael na anak ni Johanan, at kay Azarias na anak ni Obed, at kay Maasias na anak ni Adaias, at kay Elisaphat na anak ni Zichri.
2At kanilang nilibot ang Juda, at pinisan ang mga Levita mula sa lahat na bayan ng Juda, at ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, at sila'y nagsiparoon sa Jerusalem.
3At ang buong kapisanan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Dios. At sinabi niya sa kanila, Narito, ang anak ng hari ay maghahari, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4Ito ang bagay na inyong gagawin: isang ikatlong bahagi ninyo, na pumapasok sa sabbath, sa mga saserdote at sa mga Levita, magiging mga tagatanod-pinto;
5At ang ikatlong bahagi ay magiging sa bahay ng hari; at ang ikatlong bahagi sa pintuang-bayan ng patibayan; at ang buong bayan ay malalagay sa mga looban ng bahay ng Panginoon.
6Nguni't walang papasok sa bahay ng Panginoon, liban sa mga saserdote, at nagsisipangasiwang mga Levita; sila'y magsisipasok, sapagka't sila'y mga banal: nguni't ang buong bayan ay magiingat ng pagbabantay sa Panginoon.
7At kukulungin ng mga Levita ang hari sa palibot, bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at sinomang pumasok sa bahay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y pumapasok at pagka siya'y lumalabas.
8Gayon ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at sila'y kumuha bawa't lalake ng kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath, na kasama niyaong nagsisilabas sa sabbath; sapagka't hindi pinayaon ni Joiada na saserdote ang mga pangkat.
9At si Joiada na saserdote ay nagbigay sa mga pinunong kawal ng mga dadaanin ng mga sibat, at mga maliit na kalasag at mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Dios.
10At kaniyang inilagay ang buong bayan, na bawa't isa'y may kaniyang sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.
11Nang magkagayo'y kanilang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo, at ginawa siyang hari: at pinahiran siya ng langis ni Joiada at ng kaniyang mga anak; at kanilang sinabi, Mabuhay ang hari.
12At nang marinig ni Athalia ang kaingay ng bayan, na tumatakbo at pinupuri ang hari, siya'y naparoon sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon:
13At siya'y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng kaniyang haligi sa pasukan, at ang mga punong kawal at ang mga may pakakak ay sa siping ng hari: at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak; ang mga mangaawit naman ay nagsitugtog ng mga panugtog ng tugtugin, at tinugmaan ang awit ng papuri. Nang magkagayo'y hinapak ni Athalia ang kaniyang suot, at sinabi: Paglililo, paglililo.
14At inilabas ni Joiada na saserdote ang mga pinunong kawal ng dadaanin na nangalalagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; at sinomang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka't sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.
15Sa gayo'y binigyang daan nila siya; at siya'y naparoon sa pasukan ng pintuang-daan ng kabayo sa bahay ng hari: at pinatay nila siya roon.
16At si Joiada ay nakipagtipan sa kaniya, at sa buong bayan, at sa hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17At ang buong bayan ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak, at pinagputolputol ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan, at pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana.
18At inihalal ni Joiada ang mga katungkulan sa bahay ng Panginoon, sa kapangyarihan ng kamay ng mga saserdote na mga Levita, na siyang binahagi ni David sa bahay ng Panginoon, upang maghandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may pagkagalak, at may pagawit ayon sa ayos ni David.
19At kaniyang inilagay ang mga tagatanod-pinto sa mga pintuangdaan ng bahay ng Panginoon, upang walang pumasok na marumi sa anomang bagay.
20At kaniyang ipinagsama ang mga pinunong kawal ng dadaanin at ang mga mahal na tao, at ang mga tagapamahala ng bayan, at ang buong bayan ng lupain, at ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon: at sila'y pumasok sa bahay ng hari, na nagdaan sa pinakamataas na pintuang-daan, at inilagay ang hari sa luklukan ng kaharian.
21Sa gayo'y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay natahimik: at pinatay nila ng tabak si Athalia.