Psalms Chapter 69
1Iligtas mo ako, Oh Dios; sapagka't ang tubig ay tumabon sa aking kaluluwa.
2Ako'y lumulubog sa malalim na burak na walang tayuan: ako'y lumulubog sa malalim na tubig, na tinatabunan ako ng agos.
3Ako'y hapo sa aking daing; ang lalamunan ko'y tuyo: ang mga mata ko'y nangangalumata habang hinihintay ko ang aking Dios.
4Silang nangagtatanim sa akin ng walang anomang kadahilanan ay higit kay sa mga buhok ng aking ulo: silang ibig maghiwalay sa akin, na mga kaaway kong may kamalian, ay mga makapangyarihan: akin ngang isinauli ang hindi ko kinuha.
5Oh Dios, kilala mo ang kamangmangan ko; at ang mga kasalanan ko'y hindi lihim sa iyo.
6Huwag mangapahiya dahil sa akin ang nangaghihintay sa iyo, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo: huwag mangalagay sa kasiraang puri dahil sa akin ang nagsisihanap sa iyo, Oh Dios ng Israel.
7Sapagka't dahil sa iyo ay nagdala ako ng kadustaan; kahihiyan ay tumakip sa aking mukha.
8Ako'y naging iba sa aking mga kapatid, at taga ibang lupa sa mga anak ng aking ina.
9Sapagka't napuspos ako ng sikap sa iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa iyo ay nangahulog sa akin.
10Pag umiiyak ako at pinarurusahan ko ng pagaayuno ang aking kaluluwa, yao'y pagkaduwahagi sa akin.
11Nang magsuot ako ng kayong magaspang, ay naging kawikaan ako sa kanila.
12Pinag-uusapan ako nilang nangauupo sa pintuang-bayan; at ako ang awit ng mga lango.
13Nguni't tungkol sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, Oh Panginoon, sa isang kalugodlugod na panahon: Oh Dios, sa karamihan ng iyong kagandahang-loob,
14Iligtas mo ako sa burak, at huwag mo akong ilubog: maligtas ako sa kanila na nangagtatanim sa akin, at sa malalim na tubig.
15Huwag akong tangayin ng baha, ni lamunin man ako ng kalaliman: at huwag takpan ng hukay ang kaniyang bunganga sa akin.
16Sagutin mo ako, Oh Panginoon; sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti: ayon sa karamihan ng iyong mga malumanay na kaawaan ay bumalik ka sa akin.
17At huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagka't ako'y nasa kahirapan; sagutin mo akong madali.
18Lumapit ka sa aking kaluluwa, at tubusin mo: Iligtas mo ako dahil sa aking mga kaaway.
19Talastas mo ang aking kadustaan, at ang aking kahihiyan, at ang aking kasiraang puri: ang aking mga kaaway, ay pawang nangasa harap mo.
20Kaduwahagihan ay sumira ng aking puso; at ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at ako'y naghintay na may maawa sa akin, nguni't wala; at mga mangaaliw, nguni't wala akong masumpungan.
21Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.
22Maging lalang sa harap nila ang kanilang dulang; at maging isang silo kung sila'y nasa kapayapaan.
23Manglabo ang kanilang mga mata, na sila'y huwag makakita; at papanginigin mong palagi ang kanilang mga balakang.
24Ibugso mo ang iyong galit sa kanila, at datnan sila ng kabangisan ng iyong galit.
25Magiba ang tahanan nila; walang tumahan sa kanilang mga tolda.
26Sapagka't kanilang hinabol siya na iyong sinaktan, at sinaysay nila ang damdam niyaong iyong sinugatan.
27At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran.
28Mapawi sila sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid.
29Nguni't ako'y dukha at mapanglaw: sa pamamagitan ng pagliligtas mo, Oh Dios, ay iahon mo nawa ako.
30Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Dios, at dadakilain ko siya ng pasalamat.
31At kalulugdan ng Panginoon na higit kay sa isang baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32Nakita ng mga maamo, at nangatuwa: mabuhay ang puso, ninyong nagsisihanap sa Dios.
33Sapagka't dinidinig ng Panginoon ang mapagkailangan, at hindi hinahamak ang kaniyang mga bilanggo.
34Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat, at ng bawa't bagay na gumagalaw roon.
35Sapagka't ililigtas ng Dios ang Sion, at itatayo ang mga bayan ng Juda; at sila'y magsisitahan doon, at tatangkilikin nila na pinakaari.
36Mamanahin naman ng binhi ng kaniyang mga lingkod; at silang nagsisiibig ng kaniyang pangalan ay magsisitahan doon.