1 Kings Chapter 9
1At nangyari, nang matapos ni Salomon ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ang lahat na nasa ni Salomon na kaniyang kinalulugurang gawin.
2Na ang Panginoo'y napakita kay Salomon na ikalawa, gaya ng siya'y pakita sa kaniya sa Gabaon.
3At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Aking dininig ang iyong panalangin at ang iyong pamanhik na iyong ipinagbadya sa harap ko: aking pinapaging banal ang bahay na ito na iyong itinayo, upang ilagay ang aking pangalan doon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
4At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David, na iyong ama sa pagtatapat ng puso at sa katuwiran na gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iingatan mo ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan:
5Ay akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian sa Israel magpakailan man, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa luklukan ng Israel.
6Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi ingatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
7Aking ngang ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking pinapaging banal sa aking pangalan, ay aking iwawaksi sa aking paningin; at ang Israel ay magiging kawikaan at kakutyaan sa gitna ng lahat ng bayan:
8At bagaman ang bahay na ito ay totoong mataas, gayon ma'y ang bawa't magdaan sa kaniya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
9At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Dios na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Egipto, at nagsipanghawak sa ibang mga dios, at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: at kaya't pinarating ng Panginoon sa kanila ang lahat na kasamaang ito.
10At nangyari sa katapusan ng dalawang pung taon, nang si Salomon ay makapagtayo ng dalawang bahay, ng bahay ng Panginoon at ng bahay ng hari,
11(Si Hiram nga na hari sa Tiro ay nagpadala kay Salomon ng mga kahoy na sedro, at mga kahoy na abeto, at ng ginto, ayon sa buo niyang nasa,) na binigyan nga ng haring Salomon si Hiram ng dalawang pung bayan sa lupain ng Galilea.
12At lumabas si Hiram sa Tiro upang tingnan ang mga bayan na ibinigay ni Salomon sa kaniya; at hindi niya kinalugdan.
13At kaniyang sinabi, Anong mga bayan itong iyong ipinagbibigay sa akin, kapatid ko? At tinawag niya: lupain ng Cabul, hanggang sa araw na ito.
14At nagpadala si Hiram sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto.
15At ito ang kadahilanan ng atang na iniatang ng haring Salomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kaniyang bahay, at ang Millo at ang kuta sa Jerusalem at ang Hasor, at ang Megiddo, at ang Gezer.
16Si Faraong hari sa Egipto ay umahon, at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nagsisitahan sa bayan, at ibinigay na pinakabahagi sa kaniyang anak na babae, na asawa ni Salomon.
17At itinayo ni Salomon ang Gezer, at ang Beth-horon sa ibaba,
18At ang Baalath, at ang Tamar sa ilang, sa lupain,
19At ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at ang mga bayan sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan sa kaniyang mga mangangabayo, at yaong pinagnasaang pagtayuan ni Salomon sa kalulugdan niya sa Jerusalem, at sa Libano, at sa lahat ng lupain na kaniyang sakop.
20Tungkol sa lahat na tao na naiwan, sa mga Amorrheo, mga Hetheo, mga Pherezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa mga anak ni Israel;
21Sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi nalipol na lubos ng mga anak ni Israel, ay sa kanila nagtindig si Salomon ng pulutong ng alipin, hanggang sa araw na ito.
22Nguni't hinggil sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at kaniyang mga lingkod, at kaniyang mga prinsipe, at kaniyang mga punong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.
23Ito ang mga punong kapatas na nangasa gawain ni Salomon, limangdaan at limangpu, na nagsisipagpuno sa bayan na nagsisigawa sa gawain.
24Nguni't ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa bayan ni David sa kaniyang bahay na itinayo ni Salomon na ukol sa kaniya: saka itinayo niya ang Millo.
25At makaitlo sa isang taon na naghahandog si Salomon ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana na kaniyang itinayo sa Panginoon, na pinagsusunugan niya ng kamangyan sa harap ng Panginoon. Ganoon niya niyari ang bahay.
26At nagpagawa ang haring Salomon ng mga sasakyang dagat sa Ezion-geber na nasa siping ng Elath, sa baybayin ng Dagat na Mapula, sa lupain ng Edom.
27At sinugo ni Hiram sa mga sasakyan ang kaniyang mga bataan, mga magdadagat na bihasa sa dagat, na kasama ng mga bataan ni Salomon.
28At sila'y nagsiparoon sa Ophir at nagsikuha mula roon ng ginto, na apat na raan at dalawang pung talento, at dinala sa haring Salomon.