Acts of the Apostles Chapter 17
1Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.
2At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan,
3Na binubuksan at pinatunayan na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo.
4At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal.
5Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao.
6At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman;
7Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.
8At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.
9At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila.
10At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio.
11Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.
12Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaing Griega na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalake, ay hindi kakaunti.
13Datapuwa't nang maunawa ng mga Judiong taga Tesalonica na sa Berea ay ipinangangaral din ni Pablo ang salita ng Dios, ay nagsiparoon din naman, na ginulo at binagabag ang mga karamihan.
14At nang magkagayo'y pagdaka'y pinayaon ng mga kapatid si Pablo na pumaroon hanggang sa dagat: at nangatira pa roon si Silas at si Timoteo.
15Datapuwa't silang mga nagsipaghatid kay Pablo ay dinala siya hanggang sa Atenas: at nang matanggap na nila ang pautos kay Silas at kay Timoteo na madalingmadali silang magsiparoon sa kaniya, ay nagsialis sila.
16Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan.
17Kaya't sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.
18At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli.
19At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo?
20Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.
21(Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.)
22At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso.
23Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.
24Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay;
25Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;
26At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan;
27Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin:
28Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.
29Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.
30Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako:
31Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.
32At nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na maguli, ay nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.
33Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.
34Datapuwa't nakisama sa kanya ang ilang mga tao, at nagsisampalataya: na sa mga yao'y isa si Dionisio na Areopagita, at ang isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pang kasama nila.