1 Kings Chapter 16
1At ang salita ng Panginoon ay, dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na sinasabi,
2Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel; at ikaw ay lumakad ng lakad ni Jeroboam, at iyong pinapagkasala ang aking bayang Israel, upang mungkahiin mo ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan;
3Narito, aking lubos na papalisin si Baasa at ang kaniyang sangbahayan; at aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat.
4Ang mamatay kay Baasa sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa kaniya sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid,
5Ang iba nga sa mga gawa ni Baasa, at ang kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
6At natulog si Baasa na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Thirsa; at si Ela na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
7At bukod dito'y, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kaniyang sangbahayan, dahil sa lahat na kasamaan na kaniyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kaniyang mga kamay, sa pagkagaya sa sangbahayan ni Jeroboam, at sapagka't sinaktan din niya siya.
8Nang ikadalawang pu't anim na taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Thirsa, at nagharing dalawang taon.
9At ang kaniyang lingkod na si Zimri, na punong kawal sa kalahati ng kaniyang mga karo, ay nagbanta laban sa kaniya. Siya'y nasa Thirsa nga, na nagiinom at lasing sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sangbahayan sa Thirsa:
10At pumasok si Zimri, at sinaktan siya, at pinatay siya, nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, at naghari na kahalili niya.
11At nangyari, nang siya'y magpasimulang maghari, pagupo niya sa kaniyang luklukan, ay kaniyang sinaktan ang buong sangbahayan ni Baasa: hindi siya nagiwan ng isa man lamang lalaking bata, kahit kamaganak niya, kahit mga kaibigan niya.
12Ganito nilipol ni Zimri ang buong sangbahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,
13Dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at mga kasalanan ni Ela na kaniyang anak, na kanilang ipinagkasala, at kanilang ipinapagkasala sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.
14Ang iba nga sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
15Nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, ay naghari si Zimri na pitong araw sa Thirsa. Ang bayan nga ay humantong laban sa Gibbethon na nauukol sa mga Filisteo.
16At narinig ng bayan na nasa hantungan na sinabing nagbanta si Zimri, at sinaktan ang hari: kaya't ginawang hari sa Israel ng buong Israel si Omri na punong kawal ng hukbo nang araw na yaon sa kampamento.
17At si Omri ay umahon mula sa Gibbethon, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Thirsa.
18At nangyari, nang makita ni Zimri na ang bayan ay nasakop, na siya'y naparoon sa castilyo ng bahay ng hari, at sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay.
19Dahil sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ipinagkasala sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon sa paglakad sa lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ginawa, upang papagkasalahin ang Israel.
20Ang iba nga sa mga gawa ni Zimri, at ang kaniyang panghihimagsik na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
21Nang magkagayo'y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22Nguni't ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo'y namatay si Thibni at naghari si Omri.
23Nang ikatatlong pu't isang taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari na labing dalawang taon: anim na taon na naghari siya sa Thirsa.
24At binili niya ang burol ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak; at siya'y nagtayo sa burol, at tinawag ang pangalan ng bayan na kaniyang itinayo, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol, na Samaria.
25At gumawa si Omri ng masama sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng masama na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.
26Sapagka't siya'y lumakad sa buong lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinapagkasala niya sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.
27Ang iba nga sa mga gawa ni Omri na kaniyang ginawa, at ang kapangyarihan niya na kaniyang ipinamalas, di ba nasusulat sa mga aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
28Sa gayo'y natulog si Omri na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria; at si Achab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
29At nang ikatatlong pu't walong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimula si Achab na anak ni Omri na maghari sa Israel: at si Achab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria na dalawang pu't dalawang taon.
30At si Achab na anak ni Omri ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.
31At nangyari, na wari isang magaang bagay sa kaniya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na siya'y nagasawa kay Jezabel, na anak ni Ethbaal na hari ng mga Sidonio, at yumaon at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya.
32At kaniyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal na kaniyang itinayo sa Samaria.
33At gumawa si Achab ng Asera; at gumawa pa ng higit si Achab upang mungkahiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa galit kay sa lahat ng mga hari sa Israel na nauna sa kaniya.
34Sa kaniyang mga kaarawan itinayo ni Hiel na taga Beth-el ang Jerico: siya'y naglagay ng talagang-baon sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay, at itinayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak na si Segub; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.