Psalms Chapter 104
1Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila; ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.
2Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan; na siyang naguunat ng mga langit na parang tabing:
3Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig; na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro; na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:
4Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya; ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:
5Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailan man,
6Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas; sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;
8Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis, sa dako mong itinatag ukol sa kanila.
9Ikaw ay naglagay ng hangganan upang sila'y huwag makaraan; upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.
10Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:
11Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang; nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.
12Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid, sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid: ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.
14Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao: upang siya'y maglabas ng pagkain sa lupa:
15At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao, at ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.
16Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog; ang mga sedro sa Libano, na kaniyang itinanim;
17Na pinamumugaran ng mga ibon: tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.
18Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing; ang mga malalaking bato ay kanlungan ng mga coneho.
19Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon: nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.
20Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi; na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.
21Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila, at hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.
22Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis, at nangahihiga sa kanilang mga yungib.
23Lumalabas ang tao sa kaniyang gawain, at sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.
24Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa! sa karunungan ay ginawa mo silang lahat: ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.
25Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang, na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay, ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.
26Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan: nandoon ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.
27Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo, upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.
28Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila; iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.
29Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag; iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay, at nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.
30Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang; at iyong binabago ang balat ng lupa.
31Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man; magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:
32Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig: kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.
33Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay: ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.
34Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay: ako'y magagalak sa Panginoon.
35Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Purihin ninyo ang Panginoon.