1 Samuel Chapter 22
1Umalis nga si David doon, at tumakas sa yungib ng Adullam: at nang mabalitaan ng kaniyang mga kapatid at ng sangbahayan ng kaniyang ama, kanilang nilusong siya roon.
2At bawa't isa na napipighati, at bawa't isa na may utang, at bawa't isa na may kalumbayan ay nakipisan sa kaniya; at siya'y naging punong kawal nila: at nagkaroon siya ng may apat na raang tao.
3At naparoon si David mula roon sa Mizpa ng Moab, at kaniyang sinabi sa hari sa Moab: Isinasamo ko sa iyo na ang aking ama at aking ina ay makalabas, at mapasama sa inyo, hanggang sa aking maalaman kung ano ang gagawin ng Dios sa akin.
4At kaniyang dinala sila sa harap ng hari sa Moab: at sila'y tumahan na kasama niya buong panahon na si David ay nasa moog.
5At sinabi ng propetang si Gad kay David, Huwag kang tumahan sa moog; ikaw ay yumaon at pumasok sa lupain ng Juda. Nang magkagayo'y yumaon si David, at pumasok sa gubat ng Hareth.
6At nabalitaan ni Saul na si David ay nasumpungan, at ang mga lalake na kasama niya: si Saul nga'y nauupo sa Gabaa sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama, na tangan ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay, at ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.
7At sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, Dinggin ninyo ngayon, mga Benjamita; bibigyan ba ng anak ni Isai ang bawa't isa sa inyo ng mga bukiran at mga ubasan, gagawin ba niya kayong lahat na mga punong kawal ng lilibuhin at mga punong kawal ng dadaanin;
8Upang kayong lahat ay magsipagsuwail laban sa akin, at walang nagpakilala sa akin nang gawin ng aking anak ang isang pakikipagtipan sa anak ni Isai, at wala sinoman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagpakilala sa akin na ang aking anak ay humihikayat sa aking lingkod laban sa akin upang bumakay, gaya sa araw na ito?
9Nang magkagayo'y sumagot si Doeg na Idumeo na nakatayo sa siping ng mga lingkod ni Saul, at nagsabi, Aking nakita ang anak ni Isai na naparoroon sa Nob, kay Ahimelech na anak ni Ahitob.
10At isinangguni niya siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kaniya ang tabak ni Goliath na Filisteo.
11Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelech na saserdote na anak ni Ahitob, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, na mga saserdote na nasa Nob, at sila'y naparoong lahat sa hari.
12At sinabi ni Saul, Iyong dinggin ngayon, ikaw na anak ni Ahitob. At siya'y sumagot. Narito ako, panginoon ko.
13At sinabi ni Saul sa kaniya, Bakit kayo ay nagsipagsuwail laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Isai, na iyong binigyan siya ng tinapay, at ng tabak, at isinangguni siya sa Dios upang siya'y bumangon laban sa akin na bumakay, gaya sa araw na ito?
14Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelech sa hari, at nagsabi, At sino sa gitna ng lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at tinatanggap sa iyong pulong, at karangaldangal sa iyong bahay?
15Pinasimulan ko bang isangguni siya ngayon sa Dios? malayo sa akin: huwag ibintang ng hari ang anomang bagay sa kaniyang lingkod, o sa buong sangbahayan man ng aking ama: sapagka't walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat na ito, munti o malaki.
16At sinabi ng hari, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Ahimelech, ikaw at ang buong sangbahayan ng iyong ama.
17At sinabi ng hari sa bantay na nangakatayo sa palibot niya, Pumihit kayo at patayin ninyo ang mga saserdote ng Panginoon; sapagka't ang kanilang kamay man ay sumasa kay David, at sapagka't kanilang nalaman na siya'y tumakas, at hindi nila ipinakilala sa akin. Nguni't hindi inibig ng mga lingkod ng hari na iunat ang kanilang kamay upang daluhungin ang mga saserdote ng Panginoon.
18At sinabi ng hari kay Doeg: Pumihit ka, at iyong daluhungin ang mga saserdote. At pumihit si Doeg na Idumeo, at kaniyang dinaluhong ang mga saserdote, at kaniyang pinatay nang araw na yaon ay walong pu't limang lalake na nagsusuot ng epod na lino.
19At sinugatan ng talim ng tabak ang Nob, ang bayan ng mga saserdote, ang mga lalake at gayon din ang mga babae, ang mga bata at ang mga pasusuhin, at ang mga baka at mga asno at mga tupa, ng talim ng tabak.
20At isa sa mga anak ni Ahimelech na anak ni Ahitob na nagngangalang Abiathar ay tumanan, at tumakas na sumunod kay David.
21At isinaysay ni Abiathar kay David na pinatay na ni Saul ang mga saserdote ng Panginoon.
22At sinabi ni David kay Abiathar, Talastas ko nang araw na yaon na si Doeg na Idumeo ay naroon, na kaniyang tunay na sasaysayin kay Saul: ako'y naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sangbahayan ng iyong ama.
23Matira kang kasama ko, huwag kang matakot; sapagka't siya na umuusig ng aking buhay ay umuusig ng iyong buhay: sapagka't kasama kita ay maliligtas ka.