Ecclesiastes Chapter 10
1Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa unguento ng manggagawa ng pabango: gayon ang munting kamangmangan ay sumisira ng karunungan at karangalan.
2Ang puso ng pantas na tao ay nasa kaniyang kanang kamay; nguni't ang puso ng mangmang ay sa kaniyang kaliwa.
3Oo gayon din, pagka ang mangmang ay lumalakad sa daan, ay nawawalan siya ng bait, at kaniyang sinasabi sa bawa't isa, na siya'y isang ulol.
4Kung ang diwa ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis: sapagka't ang pagpapakalumanay ay nagpapalikat ng mga malaking pagkagalit.
5May isang kasamaan, na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno:
6Ang mangmang ay nauupo sa malaking karangalan, at ang mayaman ay nauupo sa mababang dako.
7Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pangulo na nagsisilakad sa lupa na gaya ng mga alipin.
8Siyang humuhukay ng lungaw ay mahuhulog doon: at ang sumisira sa pader, ay kakagatin siya ng ahas.
9Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyaon; at ang pumapalakol ng kahoy ay napapanganib doon.
10Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninoman ang talim, marapat nga niyang gamitan ng lalong kalakasan: nguni't ang karunungan ay pinakikinabangang magturo.
11Kung ang ahas ay kumagat bago maenkanto, wala ngang kapakinabangan sa mangeenkanto.
12Ang mga salita ng bibig ng pantas ay mapagbiyaya; nguni't ang mga labi ng mangmang ay lalamon sa kaniyang sarili.
13Ang pasimula ng mga salita ng kaniyang bibig ay kamangmangan: at ang wakas ng kaniyang salita ay makamandag na kaululan.
14Ang mangmang din naman ay nagpaparami ng mga salita: gayon ma'y hindi nalalaman ng tao kung ano ang mangyayari; at ang mangyayari pagkamatay niya, sinong makapagsasaysay sa kaniya?
15Ang gawa ng mga mangmang ay nagpapayamot sa bawa't isa sa kanila; sapagka't hindi niya nalalaman kung paanong pagparoon sa bayan.
16Sa aba mo, Oh lupain, kung ang iyong hari ay isang bata, at ang iyong mga pangulo ay nagsisikain sa umaga!
17Mapalad ka, Oh lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga mahal na tao, at ang iyong mga pangulo ay nagsisikain sa kaukulang panahon, sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing!
18Sa katamaran ay gumuguho ang bubungan; at di sa pagkilos ng mga kamay ay tumutulo ang bahay.
19Ang kapistahan ay ginagawa sa ikapagtatawa, at ang alak ay nagpapasaya sa buhay: at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay.
20Huwag mong sumpain ang hari, huwag, huwag sa iyong pagiisip; at huwag mong sumpain ang mayaman sa iyong silid na tulugan: sapagka't isang ibon sa himpapawid ay magdadala ng tinig, at ang may mga pakpak ay magsasaysay ng bagay.