Psalms Chapter 90
1Panginoon, ikaw ay naging tahanang dako namin sa lahat ng sali't saling lahi.
2Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.
3Iyong pinapagiging kapahamakan ang tao; at iyong sinasabi, Magsipanumbalik kayo, kayong mga anak ng mga tao.
4Sapagka't isang libong taon sa iyong paningin ay parang kahapon lamang nang makaraan, at parang pagpupuyat sa gabi.
5Iyong dinadala sila na parang baha; sila'y parang pagkakatulog: sa kinaumagahan ay parang damo sila na tumutubo.
6Sa kinaumagahan ay namumulaklak at lumalago; sa kinahapunan ay pinuputol at natutuyo.
7Sapagka't kami ay nangasupok sa iyong galit, at sa iyong poot ay nangabagabag kami.
8Iyong inilagay ang aming kasamaan sa harap mo, ang aming lihim na mga kasalanan sa liwanag ng iyong mukha.
9Sapagka't lahat naming kaarawan ay dumaan sa iyong poot: aming niwawakasan ang aming mga taon na parang isang buntong hininga.
10Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon; gayon ma'y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang; sapagka't madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.
11Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng iyong galit, at ng iyong poot ayon sa katakutan na marapat sa iyo?
12Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.
13Manumbalik ka, Oh Panginoon; hanggang kailan pa? At iyong papagsisihin ang tungkol sa mga lingkod mo.
14Oh busugin mo kami sa kinaumagahan ng iyong kagandahang-loob; upang kami ay mangagalak at mangatuwa sa lahat ng kaarawan namin.
15Pasayahin mo kami ayon sa mga kaarawan na iyong idinalamhati sa amin, at sa mga taon na aming ikinakita ng kasamaan.
16Mahayag nawa ang iyong gawa sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17At sumaamin nawa ang kagandahan ng Panginoong aming Dios: at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo.