1 Chronicles Chapter 18
1At pagkatapos nito'y nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo, at pinasuko sila, at sinakop ang Gath, at ang mga nayon niyaon sa kamay ng mga Filisteo.
2At sinaktan niya ang Moab; at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob.
3At sinaktan ni David sa Hamath si Adarezer na hari sa Soba samantalang kaniyang itinatatag ang kaniyang kapangyarihan sa tabi ng ilog Eufrates.
4At kumuha si David sa kaniya ng isang libong karo, at pitong libong mangangabayo, at dalawangpung libong naglalakad: at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni't nagtira sa mga yaon ng sa isang daang karo.
5At nang ang mga taga Siria sa Damasco ay magsiparoon upang magsisaklolo kay Adarezer na hari sa Soba, sumakit si David sa mga taga Siria ng dalawangpu't dalawang libong lalake.
6Nang magkagayo'y naglagay si David ng mga pulutong sa Siria ng Damasco; at ang mga taga Siria ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saan man siya naparoon.
7At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto, na nangasa mga lingkod ni Adarezer, at pinagdadala sa Jerusalem.
8At mula sa Thibath at mula sa Chun, na mga bayan ni Adarezer; ay kumuha si David ng totoong maraming tanso, na siyang ginawa ni Salomon na dagatdagatan na tanso, at mga haligi, at mga kasangkapang tanso.
9At nang mabalitaan ni Tou na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Adarezer na hari sa Soba,
10Kaniyang sinugo si Adoram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at purihin siya, sapagka't siya'y lumaban kay Adarezer at sinaktan niya siya (sapagka't si Adarezer ay may mga pakikipagdigma kay Tou); at siya'y nagdala ng lahat na sarisaring kasangkapang ginto, at pilak, at tanso.
11Ang mga ito naman ay itinalaga ng haring David sa Panginoon, pati ng pilak at ginto na kaniyang kinuha sa lahat na bansa; na mula sa Edom, at mula sa Moab, at mula sa mga anak ni Ammon, at mula sa mga Filisteo, at mula sa Amalec.
12Bukod dito'y si Abisai na anak ni Sarvia ay sumakit sa mga Idumeo sa Libis ng Asin, ng labingwalong libo.
13At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; at lahat ng mga Idumeo ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng pagtatagumpay ng Panginoon si David saan man siya naparoon.
14At si David ay naghari sa buong Israel; at siya'y gumawa ng kahatulan at ng katuwiran sa buong bayan niya.
15At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa pamamahala sa hukbo; at si Josaphat na anak ni Ahilud ay kasangguni.
16At si Sadoc na anak ni Achitob, at si Abimelec na anak ni Abiathar, ay mga saserdote; at si Sausa ay kalihim;
17At si Benaias na anak ni Joiada ay nasa pamamahala sa mga Ceretheo at sa mga Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno sa siping ng hari.